Ang Pilipinas, kasama ang Indonesia, ay tinaguriang 'New Tigers' sa timog-silangang Asya. Isa itong magandang balita para sa pamahalaan at sa ating mga mamamayan. Marami nang pinagdaanan ang ating bansa sa mga nakalipas na taon; nakaranas ng paglipad, paglagpak at pagbangon. Noong Mayo taong 1997 ay nagsimula ang Asian financial crisis kung saan maraming bansa ang dumaan sa panahon ng kagipitan at isa ang Pilipinas sa pinakanapuruhan sapagkat bumaba ang stock market ng bansa ng hanggang 9.3 porsiyento. Ang mga salapi rin ng panahon na iyon ay bumagsak ng higit pa sa inaasahan. Ngunit nagawa nating bumangon at ngayo'y nakilala bilang 'New Tiger'.
Sa mga nakalipas na taon ay malaki ang iniunlad ng ating ekonomiya. Salamat sa ating gobyerno at sa ating pangulo na si Benigno Aquino III na patuloy na gumagawa ng paraan upang ang ating buhay ay guminhawa. Marami na ang nabigyan ng trabaho, tumaas ang kita ng mga negosyo, nananatiling masigla ang turismo at ang mga dayuhan ay dinoble ang puhunan sa ating bansa. Kung nung nakaraan ay tayo'y tagahiram ng pera sa IMF o International Monetary Fund, ngayon tayo na ang tagapagpahiram ng pera. Marami akong nabasang mga artikulo ukol sa pag-unlad ng ating bansa at nakapaloob dito ang mga datos at detalye na nagpapatunay na ang ating bansa ay tunay na umuunlad at nararapat lamang na tawaging 'New Tiger'.
Kung tutuusin ay malaki ang potensyal ng ating bansa pagdating sa ekonomiya lalong-lalo na sa sektor ng agrikultura sapagkat mayaman ang ating bansa sa likas na yaman. Ang malaking populasyon ay mayroon ding magandang epekto at ang isa rito ang malaking bilang ng lakas paggawa na maituturing na kayamanan para sa ating bansa at susi sa kaunlaran at industriyalisasyon. Ang mga manggagawa ang haligi ng ating ekonomiya kaya naman isang kalamangan ang pagiging mayaman sa lakas paggawa. Ngunit mayroon pang mga problemang kailangang lutasin hinggil sa lakas paggawa tulad ng brain at brawn drain kung saan ang ating mga manggagawa ay nangingibang bansa upang maghanap ng trabahong may mas mataas na sahod. Kung patuloy ang ganitong problema ay mauubusan tayo ng mga dalubhasa na makakaapekto sa ekonomiya.
Sinasabing ang mga dolyar na padala ng mga OFW ay malaking tulong na pataasin ang ating GNP. Ngunit ang pag-asa sa mga dolyar na ipinapadala ng mga OFW ay maituturing na isang kakulangan. Kung maitataas ng pamahalaan ang mga sahod ng ating mga manggagawa ng hindi itinataas ang presyo ng mga bilihin ay hindi na kakailanganin pang mangibang bansa upang magtrabaho at hindi na rin mapipilitan ang mga magulang na iwanan ang kanilang mga anak.
Ngunit sa kabila ng mga pag-unlad na ito ay marami pa ring mga Pilipino ang nagsasabing hindi totoo ang mga balitang ito sapagkat kung ito nga ay totoo ay bakit marami pa ring naghihirap. Sang-ayon ako na "Upang makita ang kaunlaran huwag sa pamahalaan ito pagmasdan kundi sa mga mamamayan". Ang mga mamamayan pa rin ang salamin ng kaunlaran sapagkat sila ang bumubuo sa bayan. Ang mga datos na ibinibida ng pamahalaan ay mga numero lamang at hindi batayan ng tunay na kaunlaran. Kapag dumating ang panahon kung saan naglaho na ang kahirapan, saka lamang natin masasabing naabot na natin ang rurok ng kasaganaan.
+sheryl oposa
+sheryl oposa
magaling.. :)
ReplyDeletethank you po
Delete