Thursday, February 28, 2013

Umaksyon sa Eleksyon: Pangalan o Kakayahan?

      Nalalapit nanaman ang eleksyon at unti-unti ng naglalabasan ang mga pulitiko lalong-lalo na sa telebisyon. Uso nanaman ang mga mahihirap at mga iba't-ibang proyektong laging kasama ang pangalan ng pulitikong nagpatupad. Dagsa nanaman ang mga gawain at trabaho lalo na sa mga palimbagan sapagkat siguradong marami ang nagpapagawa ng mga poster at mga flyers kung saan nakapaloob ang kanilang mga plano para sa bansa at inuudyok ang mga tao na sila ang iboto. Masasabi kong giginhawa ng pansamantala ang mga buhay ng mga mahirap sa dami ng tulong na kanilang matatanggap. 

        Pangkaraniwan na ang ganitong pangyayari sa tuwing eleksyon at ang tanyag na hinaing ng mga tao ay bakit  sa tuwing eleksyon lamang umaaksyon ang mga pulitiko at sa panahong sila ay malulok sa pwesto ay tila naglaho ng parang bula ang kanilang mga plataporma at tuluyang napako ang mga pangako. Sabi nga sa kanta "Kayo po na nakaupo, subukan niyo namang tumayo" kaya sana ang ating mga pinuno ay matutong tumayo mula sa kanilang pagkakaupo upang magbigay tulong kahit tapos na ang eleksyon. Masasabi kong mayroon ngang mga pulitiko na mahusay talagang magsalita ngunit kulang sa gawa. Sa tuwing panahon ng kampanya ay maraming nagbibigay tulong sa mga mahihirap at karaniwang makikita ang mga pulitiko na nakikihalubilo sa mga mahihirap. Ang mga tao naman ay tuwang-tuwa dahil sa mga tulong na ito ngunit kung hanggang salita lamang ang mga pulitikong iyon ay panandaliang ginhawa lamang iyon. 

        Ang aking ipinagtataka lamang ay kung bakit hindi nadadala ang mga tao at ang mga pulitiko sa paulit-ulit na sistemang ito tuwing eleksyon. Kung ang mga pulitiko ay nagpapakuha lagi ng larawan sa tuwing nag-aabot ng tulong at nakikihalubilo sa mga tao sa harap lamang ng kamera ay walang duda ang mga pulitikong iyon ay nagpapabango lamang ng pangalan para sa eleksyon. Hindi lamang nagpapakuha ng litrato kundi ipinapalathala pa sa mga pahayagan upang malaman ng mga tao ang tulong na kanilang ginagawa. Sabi nga sa bibliya ay "Huwag mong ipapaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay", "Kung ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng iyong sarili upang hindi mahalata ng iba na ikaw ay nag-aayuno" ngunit kitang-kita naman na ipinapahayag nila sa mga tao ang mga tulong na kanilang ginagawa na hindi naman nararapat. Maaari namang tumulong ng hindi nagpapakilala at ito ang pagtulong na nais ng Diyos. 

    Mayroon ding mga pangalan ang matunog sa larangan ng pulitika at marami sa mga nagsipagtakbo ngayong eleksyon ay dala-dala ang mga pangalang iyon. Ngunit ano ba ang matimbang? Pangalan o kakayahan? Sapat na ba ang kasikatan upang maipanalo ang laban? Ito ay ilan lamang sa mga tanong na ang sagot ay hindi, ngunit kabaligtaran ang nangyayari. Alam naman natin na higit na mas matimbang ang kakayahan kaysa pangalan, ngunit kadalasang naiboboto at nananalo ay mga sikat na pulitiko. Dahil ba hindi mo kilala ang ibang kalahok ay wala na silang kakayahan? Malimit ay sasabihin nating "Hindi ko naman yan kilala, bakit ko iboboto yan?" at inaamin ko na ito ay totoo. Paano mo nga naman pagkakatiwalaan ang taong hindi mo kilala ng lubusan? Ito ay isa sa mga dahilan kung bakit panay ang pagpapabango ng mga pulitiko sa kanilang mga pangalan.

     Upang makilala sila ng mga mamamayan at sa gayo'y sila'y pagkatiwalaan. Ngunit hindi sapat ang pagiging matunog ng pangalan, kailangan din nating suriin ang kanilang kakayahan kaya mga mamamayan, mag-ingat sa inyong pagkakatiwalaan sapagkat sa inyo nakasalalay ang ating kinabukasan!

Wednesday, February 27, 2013

Pilipinas: Isa sa mga 'New Tigers' sa Timog-Silangang Asya

       Ang Pilipinas, kasama ang Indonesia, ay tinaguriang 'New Tigers' sa timog-silangang Asya. Isa itong magandang balita para sa pamahalaan at sa ating mga mamamayan. Marami nang pinagdaanan ang ating bansa sa mga nakalipas na taon; nakaranas ng paglipad, paglagpak at pagbangon. Noong Mayo taong 1997 ay nagsimula ang Asian financial crisis kung saan maraming bansa ang dumaan sa panahon ng kagipitan at isa ang Pilipinas sa pinakanapuruhan sapagkat bumaba ang stock market ng bansa ng hanggang 9.3 porsiyento. Ang mga salapi rin ng panahon na iyon ay bumagsak ng higit pa sa inaasahan. Ngunit nagawa nating bumangon at ngayo'y nakilala bilang 'New Tiger'. 

        Sa mga nakalipas na taon ay malaki ang iniunlad ng ating ekonomiya. Salamat sa ating gobyerno at sa ating pangulo na si Benigno Aquino III na patuloy na gumagawa ng paraan upang ang ating buhay ay guminhawa. Marami na ang nabigyan ng trabaho, tumaas ang kita ng mga negosyo, nananatiling masigla ang turismo at ang mga dayuhan ay dinoble ang puhunan sa ating bansa. Kung nung nakaraan ay tayo'y tagahiram ng pera sa IMF o International Monetary Fund, ngayon tayo na ang tagapagpahiram ng pera. Marami akong nabasang mga artikulo ukol sa pag-unlad ng ating bansa at nakapaloob dito ang mga datos at detalye na nagpapatunay na ang ating bansa ay tunay na umuunlad at nararapat lamang na tawaging 'New Tiger'. 


        Kung tutuusin ay malaki ang potensyal ng ating bansa pagdating sa ekonomiya lalong-lalo na sa sektor ng agrikultura sapagkat mayaman ang ating bansa sa likas na yaman. Ang malaking populasyon ay mayroon ding magandang epekto at ang isa rito ang malaking bilang ng lakas paggawa na maituturing na kayamanan para sa ating bansa at susi sa kaunlaran at industriyalisasyon. Ang mga manggagawa ang haligi ng ating ekonomiya kaya naman isang kalamangan ang pagiging mayaman sa lakas paggawa. Ngunit mayroon pang mga problemang kailangang lutasin hinggil sa lakas paggawa tulad ng brain at brawn drain kung saan ang ating mga manggagawa ay nangingibang bansa upang maghanap ng trabahong may mas mataas na sahod. Kung patuloy ang ganitong problema ay mauubusan tayo ng mga dalubhasa na makakaapekto sa ekonomiya. 

        Sinasabing ang mga dolyar na padala ng mga OFW ay malaking tulong na pataasin ang ating GNP. Ngunit ang pag-asa sa mga dolyar na ipinapadala ng mga OFW ay maituturing na isang kakulangan. Kung maitataas ng pamahalaan ang mga sahod ng ating mga manggagawa ng hindi itinataas ang presyo ng mga bilihin ay hindi na kakailanganin pang mangibang bansa upang magtrabaho at hindi na rin mapipilitan ang mga magulang na iwanan ang kanilang mga anak.


Ngunit sa kabila ng mga pag-unlad na ito ay marami pa ring mga Pilipino ang nagsasabing hindi totoo ang mga balitang ito sapagkat kung ito nga ay totoo ay bakit marami pa ring naghihirap. Sang-ayon ako na "Upang makita ang kaunlaran huwag sa pamahalaan ito pagmasdan kundi sa mga mamamayan". Ang mga mamamayan pa rin ang salamin ng kaunlaran sapagkat sila ang bumubuo sa bayan. Ang mga datos na ibinibida ng pamahalaan ay mga numero lamang at hindi batayan ng tunay na kaunlaran. Kapag dumating ang panahon kung saan naglaho na ang kahirapan, saka lamang natin masasabing naabot na natin ang rurok ng kasaganaan.

+sheryl oposa 

HB 6069 at SB 3130: Dapat bang Isulong o Iurong?

           Sa aking pagsasaliksik ukol sa House Bill 6069 o "An Act Creating National Government Hospital Corporations" na isinulat ni Bacolod City Rep. Anthony Golez at Senate Bill 3130 o "The National Government Hospital Corporate Restructuring Act" na isinulat naman ni Sen. Franklin Drilon ay lalo kong naintindihan ang pagsasapribado at masasabi ko na hindi lahat ay dapat ibagbili sa mga pribadong sektor. Marami-rami akong nabasang mga komentaryo ukol sa HB 6069 at SB 3130 na naglalayong ipasapribado ang 26 na pampublikong ospital sa bansa at lahat ng komentaryong ito ay negatibo. 

          Ang pagsasapribado ng mga pampublikong ospital ay nagaganap na noon pang kapanahunan ni dating pangulong Ferdinand Marcos na siya namang sinundan ng mga sumunod na pangulo hanggang ngayon. Iba-iba lamang sila ng tawag at diskarte ngunit pare-parehas lamang ng layunin. Isa sa mga layunin ng pagpapasapribado ng mga ospital na aking nakikita ay ang mapaayos at madagdagan ang mga pasilidad at kagamitan nito upang mabigyan ang lahat ng magandang serbisyo na mangangahulugang pagtaas ng mga bayarin para sa serbisyong natanggap mula sa mga ospital. 

   Marami na akong napanood na mga dokumentaryo kung saan ang may mga sakit ay binubuhat gamit ang kawayan at kumot upang maipatingin sa doktor. Sila ay kadalasang tumatawid pa ng ilog at bundok sapagkat ang kanilang baryo ay walang sariling ospital o clinic man lang. Pagkatapos ng lahat ng ito ay ang madadatnan lamang nila ay isang maliit na clinic na mayroong iisang doktor na irerekomenda na pumunta na lamang sila sa ospital sapagkat hindi maasikaso dahil sa kakulangan sa mga kagamitan at pasilidad. Kung maisasapribado ang mga ospital ay maaaring masolusyunan ang problemang ito. Ito marahil ang dahilan kung bakit gusto ng pamahalaan na maipasapribado ang mga ospital maliban na lamang kung mayroon pa silang layunin na nais kamtin.

         Kung sakali namang maisapribado ang lahat ng ospital sa bansa ay kawawa ang mga tao sapagkat hindi kakayin ng mga mahihirap at mga taong naninirahan sa mga malalayong lugar na kadalasang hindi naaabutan ng tulong pangkalusugan ang magpagamot o magpatingin lamang sa mga ospital kaya naman karamihan sa mga Pilipinong naninirahan sa mga liblib na lugar ay mas pipiliin na lamang na antayin ang kanilang oras. Malaki ang pagkakahalintulad nito sa kasabihang "Aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo" sapagkat aanhin pa ng mga tao ang magandang serbisyo kung wala naman silang pambayad sa inyo.  Ang makikinabang lang dito ay ang mga mayayaman at ang mga may pangbayad. Sa pamamagitan nito ay tila ipinagkakait ng pamahalaan ang serbisyong pangkalusugan sa mga taong salat sa yaman. 

         Nararapat bang ipatupad ang HB 6069 at SB 3130 at tuluyang ipasabribado ang mga ospital o dapat na lang bang iurong ito? Mas marami bang benipisyo ang makukuha ng sambayanan dito o dulot lamang nito ay perwisyo? Mas marami bang negatibong epekto o nangingibabaw ang positibo? Sino ang tunay na makikinabang dito? Ang mga ordinaryong Pilipino o ang mga ganid na pulitiko? Ito ang mga katanungang nais kong mabigyan ng kasagutan ng mga taong tunay na may pakialam sa ating bayan.