Saturday, January 19, 2013

Hacienda Luisita para sa mga Magsasaka


              Ang Hacienda Luisita ay may sakop na 6,435 ektaryang lupaing pansakahan. Ito ay isang biyaya para sa ating agrikultura at para sa maraming magsasaka. Maraming pamilyang Pilipino ang umaasa sa pagtatanim sa napakalaking lupain na ito at nang maipasa ang CARP ng dating Pangulong Corazon Aquino ay unti-unti nang ipinamahagi ang mga lupaing ito sa mga maliliit na magsasaka. Ngunit ayon sa mga magsasaka ay tila wala namang naitutulong ang mga batas at programang ipinapatupad ng pamahalaan sapagkat maliit pa rin ang kanilang sweldo at hindi pa rin naibibigay ang pangakong sariling lupaing sasakahin.  Tuwing SONA ng mga pangulo ay lagi nilang ibinibida ang kanilang mga nagawa para sa bayan ngunit ang mga ordinaryong tao tulad ng mga magsasaka ay hindi sumasang-ayon sa mga ulat na ito sapagkat hindi naman nila nararamdaman ang pag-unlad na parati na lamang sinasabi ng mga pangulo.

                     Ang mga programa bang isinusulong ng pamahalaan ay tunay bang nakatutulong sa mga magsasaka o ang benepisyo ay sa kanila rin napupunta? Bakit napakatagal ipamahagi ang mga lupang sakahan sa mga talagang nangangailangan nito? Ang mga pundong inilalaan ng pamahalaan para sa mahihirap ay nagagamit ba ng wasto o sa bulsa ng ibang tao ang diretso nito? Ito ang mga tanong na gusto kong mabigyan ng kasagutan.


               Nakakalungkot isipin na ang mga magsasaka na siyang nagtatanim ng palay ay siyang walang maipakain sa kanilang mga pamilya. Malaking kaibahan sa kasabihang "Kapag may isinuksok, may madudukot" sapagkat ang kanilang sitwasyon ay kami ang nagtanim ngunit wala kaming makain. Tungkol naman sa kwento ni Nakpil na kabilang sa tinatawag na SDO, ay parang niloloko lamang sila ng gobyerno sapagkat pagkatapos pa ng 30 taon ibibigay ang 32% ng stocks ng nagmamay-ari ng hacienda sa mga magsasaka. Ngunit napakatagal ng 30 taon at hindi natin masasabi kung anu pa ang maaaring mangyari pagkatapos ng 30 taon kung tunay ngang maibibigay sa kanila ang lupa at kung nabubuhay pa sila sa panahong iyon. Hindi lamang iyon, 7 000 magsasaka ang kasapi sa SDO na maghahati-hati sa 32% stocks. Ibig sabihin, ang bawat isa ay makatatanggap ng wala pang 5% stocks. Sa ganitong kalagayan ay tunay ngang hindi nakatulong ang programang ito ng pamahalaan. 
                
                   Ang 50 pesos kada araw na natatanggap ni Nakpil galing sa programang ito ay kulang na kulang na upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa pagkain pa lamang. Nabigyan nga si Nakpil ng lupa para sa bahay ngunit saan niya kukunin ang pangpatayo ng bahay? Wala siyang maipapamana sa kanyang mga anak at hindi pala mapupunta sa kanya ang lupang kanyang sinasaka. Tila pinaasa lamang ng pamahalaan ang mga magsasakang naghirap para magkaroon ng kanin ang mga plato ng mga mamamayan. Sinamantala rin nila ang pagiging mangmang ng mga magsasaka sapagkat hindi sila nakapagtapos sa pamamagitan ng pagpapapirma sa mga kontratang sila naman talaga ang makikinabang. 




2 comments: