Friday, March 1, 2013

Gun Ban sa Halalan


      Talamak sa ating bansa ang karahasan tuwing eleksyon lalo na sa mga probinsya at sa mga lugar na hindi pa gaanong sibilisado o rural areas. Karaniwan na ang mga balitang patayan sa ganitong panahon at ang kadalasang mga biktima ay ang mga taong may koneksyon sa eleksyon. Kaya naman ngayong panahon nanaman ng halalan isang 150-day na pagbabawal ng pagdadala ng mga baril ang ipinatupad sa buong bansa upang maiwasan ang mga ganitong insidente. Ayon sa pangulo ng COMELEC o Commission on Elections na si Sixto Brillantes Jr., ang gun ban ay nagsimula noong Enero at magtatapos sa ika-12 ng Hunyo, limang buwang walang sinumang sibilyan ang dapat magdala ng baril.

       Hindi lamang patayan ang usapan tuwing halalan. Kasama sa listahan ang dayaan, siraan at bayaran o pagbili ng mga boto. Ang ating pulitika ay balot na balot ng karahasan at may mantsa na ng putik na mahirap nang tanggalin. Marami na tayong nabalitaan na ang mga balota ay ninanakaw at pinapalitan at ang mga gagawa lamang nito ay ang mga armado o mga taong may mga baril. Mayroong sinusugod mismo ang lugar kung saan nagaganap ang botohan at kung minsan inaabangan ang mga sasakyan na naghahatid ng mga balota. Kung talamak ang ganitong mga pangyayari ay nalalagay sa panganib ang mga nagboluntaryo bilang mga poll watchers. Kung sila ay lalaban ay tiyak na sila'y mapapahamak at kung sakaling magpapatuloy ang ganitong pangyayari tuwing botohan ay baka wala ng magboluntaryo bilang poll watchers. 

       Malaking bagay ang pagpapatupad ng gun ban sa ating bansa lalo na sa pulitikang mayroon tayo. Ngunit kung hindi naman ito masusunod ay wala ring saysay, tulad lamang ito ng pagbibigay ng utos na alam mong hindi susundin ng karamihan. Ayon sa PNP o Philippine National Police ay mahigit isang libo na ang nahuling lumabag sa gun ban noong ika-28 ng Pebrero. Mahirap nga namang pasunurin ang lahat ng tao sa pagbabawal na ito sapagkat hindi mo naman malalaman kung nagdadala ng baril ang tao sa kadahilanang hindi mo sila nakikita at ang katumbas ng isang pulis ay marahil limangdaang tao o higit pa kaya naman hindi talaga mababantayan ng maiigi ang mga nagmamay-ari ng baril. Hindi lamang kakulangan sa pulis ang problema kundi ang ibang mga pulis mismo sapagkat mayroong mga pulis ang nahuling nagdadala ng baril marahil sa labas ng trabaho. 

      Kung ako ang tatanungin, kailangan natin ang gun ban na ito para sa kaligtasan ng mga tao maging pulitiko man ito o ordinaryong tao. Ang pagboto ay isang karapatan sa isang demokratikong bansa tulad ng Pilipinas at hindi dapat dinudungisan ng mga makasariling makapangyarihan. Proteksyunan natin ang ating boto nang hindi kinakailangang proteksyunan ang ating kaligtasan. Sana'y ating malinis ang ating pangalan sa larangan ng pulitika, nawa'y ang mga pulitiko ay magbigayan at hindi magpatayan. Sila ang mga modelong dapat nating tularan kaya naman sana, sila'y mapagkakatiwalaan. Itigil ang dahas para sa magandang bukas!



+sheryl oposa 


  

No comments:

Post a Comment