Friday, March 1, 2013

It's More Fun in the Philippines!


    US Ambassador sa Pilipinas, Harry Thomas Jr. ay laging sinasabi na maraming bagay ang magugugstuhan mo sa Pilipinas. Sa mga araw na nilibot niya ang Pilipinas ay mayroon siyang bagong natututunan at ang pinakaikinatuwa niya ay ang paglalaro ng mga Pilipino ng American football sapagkat dati siyang atleta sa larangang ito.  Siya ay ipinanganak sa Maynila at isang purong Pilipino. Maraming bansa ang pinupuntahan niya tulad na lamang ng San Diego at California kung saan naroroon ang kanyang pamilya at nangakong babalik sa Pilipinas taon-taon upang palakasin at pasiglahin ang football sa bansa.   

      Napakarami nga namang dahilan para masabing 'It's more fun in the Philippines'. Unang-una sa lahat ay ang mga putahe at mga pagkaing gawang Pilipino. Lahat ng dayuhang nakakatikim nito ay siguradong mapapaulit at mapapa-'wow' sa sarap. Napakaraming kakaibang pagkain at putahe na ang nagagawa ng mga Pilipino at kadalasang mga sangkap nito ay hindi pangkaraniwan ang kung tutuusin ay tila hindi mo kayang sikmurain. Ngunit ang mga Pilipino ay gustong-guston ang kumain kaya kahit ano pa man yan ay siguradong uubusin. Kaya naman ang mga dayuhan ay naiintriga sa mga pagkaing Pilipino at bumibisita upang tikman ang mga ito. 

    Marami ring mga tanawin na dinadayo ng mga turista tulad ng Boracay at Palawan. Halos lahat na yata ay makikita sa Pilipinas simula sa mga kabundukan hanggang sa karagatan. Hindi ka mauubusan ng gagawin sapagkat maaari kang umakyat ng bundok, galugarin ang mga kweba, bumisita sa mga museo at sumisid sa karagatan ng Pilipinas. Sa dami nang iyong makikita at malalaman ay maaari ka nang sumulat ng isang libro tungkol sa iyong paglalakbay sa Pilipinas. Marami tayong maipagmamalaki kung ganda lamang ng kalikasan ang pag-uusapan. Ngayon, ang ating kalikasan ay hindi lamang pinagkukuhanan ng pagkain kundi pinagkakakitaan na rin. Malaki ang kinikita ng ating bansa sa turismo sapagkat nakapaglilikha ito ng mga trabaho para sa mga tao. 

      Isa pang dinadayo sa ating bansa ay ang ating mayaman na kultura at mga pagdiriwang o pista. Kung kultura ang pag-uusapan ay walang dudang mayaman ang ating bansa. Sa dami ng tradisyon at mga tribo noong unang panahon na lumikha ng iba't-iba ngunit magkakalapit na kultura at nakakatuwang isipin na kahit hanggang ngayon ay mayroon paring nagpapatuloy ng mga tradisyon na iyon. Mahilig din tayong mga Pilipino sa mga pista at handaan at buwan-buwan ay mayroon tayo niyan. Marami ring dayuhan ang dumadayo upang makipagsaya at manood sa araw ng pista. Isa pang nagustuhan sa atin ng mga dayuhan ay ang mabuti nating pakikitungo. Ating iginagalang ang mga dayuhan kahit sila ay nasa ating bansa kaya naman ang sinumang bumisita sa bansa ay siguradong babalik at babalik.

       Nakakatuwang isipin na ang ating bansa ay unti-unting bumabangon at umuunlad. Naideklara na tayong 'New Tiger' s timog-silangang Asya dahil sa patuloy na pagganda ng ating ekonomiya. Nabiyayaan din tayo ng mga likas na yaman at magandang kalikasan. Ngunit dapat nating pagkatandaan, na sa oras na ito'y abusuhin at lapastanganin, ang lahat ng ito'y mawawa rin. Kaya dapat nating pangalagaan at mahalin ang ating kalikasan at ang lahat ng meron sa ating bansa sapagkat tayo rin namang mga Pilipino ang makikinabang sa mga ito.

    




Gun Ban sa Halalan


      Talamak sa ating bansa ang karahasan tuwing eleksyon lalo na sa mga probinsya at sa mga lugar na hindi pa gaanong sibilisado o rural areas. Karaniwan na ang mga balitang patayan sa ganitong panahon at ang kadalasang mga biktima ay ang mga taong may koneksyon sa eleksyon. Kaya naman ngayong panahon nanaman ng halalan isang 150-day na pagbabawal ng pagdadala ng mga baril ang ipinatupad sa buong bansa upang maiwasan ang mga ganitong insidente. Ayon sa pangulo ng COMELEC o Commission on Elections na si Sixto Brillantes Jr., ang gun ban ay nagsimula noong Enero at magtatapos sa ika-12 ng Hunyo, limang buwang walang sinumang sibilyan ang dapat magdala ng baril.

       Hindi lamang patayan ang usapan tuwing halalan. Kasama sa listahan ang dayaan, siraan at bayaran o pagbili ng mga boto. Ang ating pulitika ay balot na balot ng karahasan at may mantsa na ng putik na mahirap nang tanggalin. Marami na tayong nabalitaan na ang mga balota ay ninanakaw at pinapalitan at ang mga gagawa lamang nito ay ang mga armado o mga taong may mga baril. Mayroong sinusugod mismo ang lugar kung saan nagaganap ang botohan at kung minsan inaabangan ang mga sasakyan na naghahatid ng mga balota. Kung talamak ang ganitong mga pangyayari ay nalalagay sa panganib ang mga nagboluntaryo bilang mga poll watchers. Kung sila ay lalaban ay tiyak na sila'y mapapahamak at kung sakaling magpapatuloy ang ganitong pangyayari tuwing botohan ay baka wala ng magboluntaryo bilang poll watchers. 

       Malaking bagay ang pagpapatupad ng gun ban sa ating bansa lalo na sa pulitikang mayroon tayo. Ngunit kung hindi naman ito masusunod ay wala ring saysay, tulad lamang ito ng pagbibigay ng utos na alam mong hindi susundin ng karamihan. Ayon sa PNP o Philippine National Police ay mahigit isang libo na ang nahuling lumabag sa gun ban noong ika-28 ng Pebrero. Mahirap nga namang pasunurin ang lahat ng tao sa pagbabawal na ito sapagkat hindi mo naman malalaman kung nagdadala ng baril ang tao sa kadahilanang hindi mo sila nakikita at ang katumbas ng isang pulis ay marahil limangdaang tao o higit pa kaya naman hindi talaga mababantayan ng maiigi ang mga nagmamay-ari ng baril. Hindi lamang kakulangan sa pulis ang problema kundi ang ibang mga pulis mismo sapagkat mayroong mga pulis ang nahuling nagdadala ng baril marahil sa labas ng trabaho. 

      Kung ako ang tatanungin, kailangan natin ang gun ban na ito para sa kaligtasan ng mga tao maging pulitiko man ito o ordinaryong tao. Ang pagboto ay isang karapatan sa isang demokratikong bansa tulad ng Pilipinas at hindi dapat dinudungisan ng mga makasariling makapangyarihan. Proteksyunan natin ang ating boto nang hindi kinakailangang proteksyunan ang ating kaligtasan. Sana'y ating malinis ang ating pangalan sa larangan ng pulitika, nawa'y ang mga pulitiko ay magbigayan at hindi magpatayan. Sila ang mga modelong dapat nating tularan kaya naman sana, sila'y mapagkakatiwalaan. Itigil ang dahas para sa magandang bukas!



+sheryl oposa 


  

Thursday, February 28, 2013

Umaksyon sa Eleksyon: Pangalan o Kakayahan?

      Nalalapit nanaman ang eleksyon at unti-unti ng naglalabasan ang mga pulitiko lalong-lalo na sa telebisyon. Uso nanaman ang mga mahihirap at mga iba't-ibang proyektong laging kasama ang pangalan ng pulitikong nagpatupad. Dagsa nanaman ang mga gawain at trabaho lalo na sa mga palimbagan sapagkat siguradong marami ang nagpapagawa ng mga poster at mga flyers kung saan nakapaloob ang kanilang mga plano para sa bansa at inuudyok ang mga tao na sila ang iboto. Masasabi kong giginhawa ng pansamantala ang mga buhay ng mga mahirap sa dami ng tulong na kanilang matatanggap. 

        Pangkaraniwan na ang ganitong pangyayari sa tuwing eleksyon at ang tanyag na hinaing ng mga tao ay bakit  sa tuwing eleksyon lamang umaaksyon ang mga pulitiko at sa panahong sila ay malulok sa pwesto ay tila naglaho ng parang bula ang kanilang mga plataporma at tuluyang napako ang mga pangako. Sabi nga sa kanta "Kayo po na nakaupo, subukan niyo namang tumayo" kaya sana ang ating mga pinuno ay matutong tumayo mula sa kanilang pagkakaupo upang magbigay tulong kahit tapos na ang eleksyon. Masasabi kong mayroon ngang mga pulitiko na mahusay talagang magsalita ngunit kulang sa gawa. Sa tuwing panahon ng kampanya ay maraming nagbibigay tulong sa mga mahihirap at karaniwang makikita ang mga pulitiko na nakikihalubilo sa mga mahihirap. Ang mga tao naman ay tuwang-tuwa dahil sa mga tulong na ito ngunit kung hanggang salita lamang ang mga pulitikong iyon ay panandaliang ginhawa lamang iyon. 

        Ang aking ipinagtataka lamang ay kung bakit hindi nadadala ang mga tao at ang mga pulitiko sa paulit-ulit na sistemang ito tuwing eleksyon. Kung ang mga pulitiko ay nagpapakuha lagi ng larawan sa tuwing nag-aabot ng tulong at nakikihalubilo sa mga tao sa harap lamang ng kamera ay walang duda ang mga pulitikong iyon ay nagpapabango lamang ng pangalan para sa eleksyon. Hindi lamang nagpapakuha ng litrato kundi ipinapalathala pa sa mga pahayagan upang malaman ng mga tao ang tulong na kanilang ginagawa. Sabi nga sa bibliya ay "Huwag mong ipapaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay", "Kung ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng iyong sarili upang hindi mahalata ng iba na ikaw ay nag-aayuno" ngunit kitang-kita naman na ipinapahayag nila sa mga tao ang mga tulong na kanilang ginagawa na hindi naman nararapat. Maaari namang tumulong ng hindi nagpapakilala at ito ang pagtulong na nais ng Diyos. 

    Mayroon ding mga pangalan ang matunog sa larangan ng pulitika at marami sa mga nagsipagtakbo ngayong eleksyon ay dala-dala ang mga pangalang iyon. Ngunit ano ba ang matimbang? Pangalan o kakayahan? Sapat na ba ang kasikatan upang maipanalo ang laban? Ito ay ilan lamang sa mga tanong na ang sagot ay hindi, ngunit kabaligtaran ang nangyayari. Alam naman natin na higit na mas matimbang ang kakayahan kaysa pangalan, ngunit kadalasang naiboboto at nananalo ay mga sikat na pulitiko. Dahil ba hindi mo kilala ang ibang kalahok ay wala na silang kakayahan? Malimit ay sasabihin nating "Hindi ko naman yan kilala, bakit ko iboboto yan?" at inaamin ko na ito ay totoo. Paano mo nga naman pagkakatiwalaan ang taong hindi mo kilala ng lubusan? Ito ay isa sa mga dahilan kung bakit panay ang pagpapabango ng mga pulitiko sa kanilang mga pangalan.

     Upang makilala sila ng mga mamamayan at sa gayo'y sila'y pagkatiwalaan. Ngunit hindi sapat ang pagiging matunog ng pangalan, kailangan din nating suriin ang kanilang kakayahan kaya mga mamamayan, mag-ingat sa inyong pagkakatiwalaan sapagkat sa inyo nakasalalay ang ating kinabukasan!

Wednesday, February 27, 2013

Pilipinas: Isa sa mga 'New Tigers' sa Timog-Silangang Asya

       Ang Pilipinas, kasama ang Indonesia, ay tinaguriang 'New Tigers' sa timog-silangang Asya. Isa itong magandang balita para sa pamahalaan at sa ating mga mamamayan. Marami nang pinagdaanan ang ating bansa sa mga nakalipas na taon; nakaranas ng paglipad, paglagpak at pagbangon. Noong Mayo taong 1997 ay nagsimula ang Asian financial crisis kung saan maraming bansa ang dumaan sa panahon ng kagipitan at isa ang Pilipinas sa pinakanapuruhan sapagkat bumaba ang stock market ng bansa ng hanggang 9.3 porsiyento. Ang mga salapi rin ng panahon na iyon ay bumagsak ng higit pa sa inaasahan. Ngunit nagawa nating bumangon at ngayo'y nakilala bilang 'New Tiger'. 

        Sa mga nakalipas na taon ay malaki ang iniunlad ng ating ekonomiya. Salamat sa ating gobyerno at sa ating pangulo na si Benigno Aquino III na patuloy na gumagawa ng paraan upang ang ating buhay ay guminhawa. Marami na ang nabigyan ng trabaho, tumaas ang kita ng mga negosyo, nananatiling masigla ang turismo at ang mga dayuhan ay dinoble ang puhunan sa ating bansa. Kung nung nakaraan ay tayo'y tagahiram ng pera sa IMF o International Monetary Fund, ngayon tayo na ang tagapagpahiram ng pera. Marami akong nabasang mga artikulo ukol sa pag-unlad ng ating bansa at nakapaloob dito ang mga datos at detalye na nagpapatunay na ang ating bansa ay tunay na umuunlad at nararapat lamang na tawaging 'New Tiger'. 


        Kung tutuusin ay malaki ang potensyal ng ating bansa pagdating sa ekonomiya lalong-lalo na sa sektor ng agrikultura sapagkat mayaman ang ating bansa sa likas na yaman. Ang malaking populasyon ay mayroon ding magandang epekto at ang isa rito ang malaking bilang ng lakas paggawa na maituturing na kayamanan para sa ating bansa at susi sa kaunlaran at industriyalisasyon. Ang mga manggagawa ang haligi ng ating ekonomiya kaya naman isang kalamangan ang pagiging mayaman sa lakas paggawa. Ngunit mayroon pang mga problemang kailangang lutasin hinggil sa lakas paggawa tulad ng brain at brawn drain kung saan ang ating mga manggagawa ay nangingibang bansa upang maghanap ng trabahong may mas mataas na sahod. Kung patuloy ang ganitong problema ay mauubusan tayo ng mga dalubhasa na makakaapekto sa ekonomiya. 

        Sinasabing ang mga dolyar na padala ng mga OFW ay malaking tulong na pataasin ang ating GNP. Ngunit ang pag-asa sa mga dolyar na ipinapadala ng mga OFW ay maituturing na isang kakulangan. Kung maitataas ng pamahalaan ang mga sahod ng ating mga manggagawa ng hindi itinataas ang presyo ng mga bilihin ay hindi na kakailanganin pang mangibang bansa upang magtrabaho at hindi na rin mapipilitan ang mga magulang na iwanan ang kanilang mga anak.


Ngunit sa kabila ng mga pag-unlad na ito ay marami pa ring mga Pilipino ang nagsasabing hindi totoo ang mga balitang ito sapagkat kung ito nga ay totoo ay bakit marami pa ring naghihirap. Sang-ayon ako na "Upang makita ang kaunlaran huwag sa pamahalaan ito pagmasdan kundi sa mga mamamayan". Ang mga mamamayan pa rin ang salamin ng kaunlaran sapagkat sila ang bumubuo sa bayan. Ang mga datos na ibinibida ng pamahalaan ay mga numero lamang at hindi batayan ng tunay na kaunlaran. Kapag dumating ang panahon kung saan naglaho na ang kahirapan, saka lamang natin masasabing naabot na natin ang rurok ng kasaganaan.

+sheryl oposa 

HB 6069 at SB 3130: Dapat bang Isulong o Iurong?

           Sa aking pagsasaliksik ukol sa House Bill 6069 o "An Act Creating National Government Hospital Corporations" na isinulat ni Bacolod City Rep. Anthony Golez at Senate Bill 3130 o "The National Government Hospital Corporate Restructuring Act" na isinulat naman ni Sen. Franklin Drilon ay lalo kong naintindihan ang pagsasapribado at masasabi ko na hindi lahat ay dapat ibagbili sa mga pribadong sektor. Marami-rami akong nabasang mga komentaryo ukol sa HB 6069 at SB 3130 na naglalayong ipasapribado ang 26 na pampublikong ospital sa bansa at lahat ng komentaryong ito ay negatibo. 

          Ang pagsasapribado ng mga pampublikong ospital ay nagaganap na noon pang kapanahunan ni dating pangulong Ferdinand Marcos na siya namang sinundan ng mga sumunod na pangulo hanggang ngayon. Iba-iba lamang sila ng tawag at diskarte ngunit pare-parehas lamang ng layunin. Isa sa mga layunin ng pagpapasapribado ng mga ospital na aking nakikita ay ang mapaayos at madagdagan ang mga pasilidad at kagamitan nito upang mabigyan ang lahat ng magandang serbisyo na mangangahulugang pagtaas ng mga bayarin para sa serbisyong natanggap mula sa mga ospital. 

   Marami na akong napanood na mga dokumentaryo kung saan ang may mga sakit ay binubuhat gamit ang kawayan at kumot upang maipatingin sa doktor. Sila ay kadalasang tumatawid pa ng ilog at bundok sapagkat ang kanilang baryo ay walang sariling ospital o clinic man lang. Pagkatapos ng lahat ng ito ay ang madadatnan lamang nila ay isang maliit na clinic na mayroong iisang doktor na irerekomenda na pumunta na lamang sila sa ospital sapagkat hindi maasikaso dahil sa kakulangan sa mga kagamitan at pasilidad. Kung maisasapribado ang mga ospital ay maaaring masolusyunan ang problemang ito. Ito marahil ang dahilan kung bakit gusto ng pamahalaan na maipasapribado ang mga ospital maliban na lamang kung mayroon pa silang layunin na nais kamtin.

         Kung sakali namang maisapribado ang lahat ng ospital sa bansa ay kawawa ang mga tao sapagkat hindi kakayin ng mga mahihirap at mga taong naninirahan sa mga malalayong lugar na kadalasang hindi naaabutan ng tulong pangkalusugan ang magpagamot o magpatingin lamang sa mga ospital kaya naman karamihan sa mga Pilipinong naninirahan sa mga liblib na lugar ay mas pipiliin na lamang na antayin ang kanilang oras. Malaki ang pagkakahalintulad nito sa kasabihang "Aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo" sapagkat aanhin pa ng mga tao ang magandang serbisyo kung wala naman silang pambayad sa inyo.  Ang makikinabang lang dito ay ang mga mayayaman at ang mga may pangbayad. Sa pamamagitan nito ay tila ipinagkakait ng pamahalaan ang serbisyong pangkalusugan sa mga taong salat sa yaman. 

         Nararapat bang ipatupad ang HB 6069 at SB 3130 at tuluyang ipasabribado ang mga ospital o dapat na lang bang iurong ito? Mas marami bang benipisyo ang makukuha ng sambayanan dito o dulot lamang nito ay perwisyo? Mas marami bang negatibong epekto o nangingibabaw ang positibo? Sino ang tunay na makikinabang dito? Ang mga ordinaryong Pilipino o ang mga ganid na pulitiko? Ito ang mga katanungang nais kong mabigyan ng kasagutan ng mga taong tunay na may pakialam sa ating bayan. 







Saturday, January 19, 2013

Hacienda Luisita para sa mga Magsasaka


              Ang Hacienda Luisita ay may sakop na 6,435 ektaryang lupaing pansakahan. Ito ay isang biyaya para sa ating agrikultura at para sa maraming magsasaka. Maraming pamilyang Pilipino ang umaasa sa pagtatanim sa napakalaking lupain na ito at nang maipasa ang CARP ng dating Pangulong Corazon Aquino ay unti-unti nang ipinamahagi ang mga lupaing ito sa mga maliliit na magsasaka. Ngunit ayon sa mga magsasaka ay tila wala namang naitutulong ang mga batas at programang ipinapatupad ng pamahalaan sapagkat maliit pa rin ang kanilang sweldo at hindi pa rin naibibigay ang pangakong sariling lupaing sasakahin.  Tuwing SONA ng mga pangulo ay lagi nilang ibinibida ang kanilang mga nagawa para sa bayan ngunit ang mga ordinaryong tao tulad ng mga magsasaka ay hindi sumasang-ayon sa mga ulat na ito sapagkat hindi naman nila nararamdaman ang pag-unlad na parati na lamang sinasabi ng mga pangulo.

                     Ang mga programa bang isinusulong ng pamahalaan ay tunay bang nakatutulong sa mga magsasaka o ang benepisyo ay sa kanila rin napupunta? Bakit napakatagal ipamahagi ang mga lupang sakahan sa mga talagang nangangailangan nito? Ang mga pundong inilalaan ng pamahalaan para sa mahihirap ay nagagamit ba ng wasto o sa bulsa ng ibang tao ang diretso nito? Ito ang mga tanong na gusto kong mabigyan ng kasagutan.


               Nakakalungkot isipin na ang mga magsasaka na siyang nagtatanim ng palay ay siyang walang maipakain sa kanilang mga pamilya. Malaking kaibahan sa kasabihang "Kapag may isinuksok, may madudukot" sapagkat ang kanilang sitwasyon ay kami ang nagtanim ngunit wala kaming makain. Tungkol naman sa kwento ni Nakpil na kabilang sa tinatawag na SDO, ay parang niloloko lamang sila ng gobyerno sapagkat pagkatapos pa ng 30 taon ibibigay ang 32% ng stocks ng nagmamay-ari ng hacienda sa mga magsasaka. Ngunit napakatagal ng 30 taon at hindi natin masasabi kung anu pa ang maaaring mangyari pagkatapos ng 30 taon kung tunay ngang maibibigay sa kanila ang lupa at kung nabubuhay pa sila sa panahong iyon. Hindi lamang iyon, 7 000 magsasaka ang kasapi sa SDO na maghahati-hati sa 32% stocks. Ibig sabihin, ang bawat isa ay makatatanggap ng wala pang 5% stocks. Sa ganitong kalagayan ay tunay ngang hindi nakatulong ang programang ito ng pamahalaan. 
                
                   Ang 50 pesos kada araw na natatanggap ni Nakpil galing sa programang ito ay kulang na kulang na upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa pagkain pa lamang. Nabigyan nga si Nakpil ng lupa para sa bahay ngunit saan niya kukunin ang pangpatayo ng bahay? Wala siyang maipapamana sa kanyang mga anak at hindi pala mapupunta sa kanya ang lupang kanyang sinasaka. Tila pinaasa lamang ng pamahalaan ang mga magsasakang naghirap para magkaroon ng kanin ang mga plato ng mga mamamayan. Sinamantala rin nila ang pagiging mangmang ng mga magsasaka sapagkat hindi sila nakapagtapos sa pamamagitan ng pagpapapirma sa mga kontratang sila naman talaga ang makikinabang. 




Kalagayan ng Agrikultura

The Philippines is still primarily an agricultural country despite the plan to make it an industrialized economy by 2000. Most citizens still live in rural areas and support themselves through agriculture. The country's agriculture sector is made up of 4 sub-sectors: farming, fisheries, livestock, and forestry (the latter 2 sectors are very small), which together employ 39.8 percent of the labor force and contribute 20 percent of GDP.


One of the most pressing concerns of the agricultural sector is the rampant conversion of agricultural land into golf courses, residential subdivisions, and industrial parks or resorts. In 1993 the nation was losing irrigated rice lands at a rate of 2,300 hectares per year. Small land-holders find it more profitable to sell their land to developers in exchange for cash, especially since they lack capital for seeds, fertilizers, pesticides, and wages for hiring workers to plant and harvest the crops. Another concern is farmers' continued reliance on chemical-based fertilizers or pesticides that have destroyed soil productivity over time. In recent years however, farmers have been slowly turning to organic fertilizer, or at least to a combination of chemical and organic inputs.



               Environmental damage is another major concern. Coral-reef destruction, pollution of coastal and marine resources, mangrove forest destruction, and siltation (the clogging of bodies of water with silt deposits) are significant problems.


The agriculture sector has not received adequate resources for the funding of critical programs or projects, such as the construction of efficient irrigation systems. According to the World Bank, the share of irrigated crop land in the Philippines averaged only about 19.5 percent in the mid-1990s, compared with 37.5 percent for China, 24.8 percent for Thailand, and 30.8 percent for Vietnam. In the late 1990s, the government attempted to modernize the agriculture sector with the Medium Term Agricultural Development Plan and the Agricultural Fisheries Modernization Act.




 _____________________________________________________________________
         
             Ang Pilipinas ay mayaman sa mga likas na yaman at karamihan sa ating mga mamamayan ay dito kumukuha ng ikabubuhay sa pamamagitan ng pagsasaka, pangingisda at iba pang gawaing pang-agrikultura. Ngunit ang sektor ng agrikultura sa ating bansa ay maraming problemang kinakaharap tulad na lamang ng pagkasira ng ating kapaligiran at ang mga kalamidad na dulot ng tinatawag na global warming at climate change. Malaki ring problema ang pagiging moderno ng ating bansa sapagkat pinapatayuan nila ng mga gusali ang mga lupang sakahan at kinakalbo ang kagubatan upang tayuan din ng mga establisyemento. Dahil sa mga problemang ito na hindi masulusyunan hanggang ngayon ay hindi umuunlad ang ating agrikultura.

              Para sa akin, mas pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ang industriya kaysa agrikultura sa kadahilanang panay ang pagpapatayo nila ng gusali na siyang nagiging dahilan kaya paunti nang paunti ang mga lupang sakahan. Ngunit mawawalan ng saysay ang pagpapaunlad ng industriya kung patuloy ang pagbagsak ng agrikultura sapagkat dito nanggagaling ang mga hilaw na materyales na ginagamit ng industriya upang gumawa ng mga yaring produkto kaya naman dapat unahin ng gobyerno ang paunlarin ang agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng sariling lupa sa mga magsasaka at pangangalaga sa ating karagatan. Sa pamamagitan nito ay uunlad ang ating ekonomiya, magiging maginhawa na ang buhay ng mga magsasaka at mangingisda, magiging mabuti ang kalagayan ng ating kalikasan at bababa ang presyo ng mga bilihin.